5 ‘child laborers’ nasagip sa Pampanga

Published by rudy Date posted on April 7, 2018

by ABS-CBN News Apr 07, 2018

Nasagip ng mga pulis ang limang menor de edad mula sa isang itikan sa Pampanga Biyernes ng gabi kung saan umano sila pinagtatrabaho sa nakapanlulumong kondisyon.

Unang tinungo ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang bahay ng itinuturong recruiter ng mga bata para pagtrabahuhin sa itikan sa San Luis, Pampanga.

Masukal ang daan papunta sa bahay ni alias “Lito” at nang matunton, tila maamong tupa itong humarap sa mga pulis.

“Ah ‘yung mga bata, ah oh sige po, kasi ‘yung amo nila po kausapin natin. Di naman po ako masamang tao,” aniya.

Ayon sa impormasyon ng mga pulis, si Lito ang kakausap sa mga kaanak ng bata at sasabihin na magandang trabaho ang ibibigay sa mga ito para maengganyo.

Pinaturo ng mga operatiba kay Lito ang tinitirahan ng mga bata, maging ang bahay ni alias “Bon” na siya umanong may-ari ng itikan.

Nakarating ang mga pulis sa Pampanga at sa gitna ng bukid kung saan nakakatusok ang mga talahib at napakadilim, natagpuan ang isang kubol.

Nagkalat ang mga pinaglutuan, mga damit, at wala man lang papag na higaan. Dito natagpuang natutulog ang mga menor de edad.

“Magdamit na kayo…Alam ba ng mga magulang niyo na nandito kayo?” ani ng isang pulis.

Sa QCPD Station 10 ang diretso ng mga suspek.

Ang mga bata, masaya man na makakauwi na sa kanilang mga pamilya, hindi lubos makangiti sa sinapit.

Depensa ni Bon, may pahintulot daw ng mga magulang ang pagtatrabaho sa kaniya ng mga bata.

“Alam naman po ng mga magulang. [Tsaka] pinapakain po sila nang maayos,” aniya.

Ang 14 anyos na si alyas “Ruben” ang naging susi para mailigtas ang iba pa niyang kasamahan. Tumakas siya Biyernes ng umaga at naglakad ng anim na oras mula Pampanga hanggang sa Quezon City para humingi ng tulong sa mga pulis.

“Ginawa ko nalang po ang lahat para makasama ko po ulit ang pamilya ko,” kuwento ni Ruben.

Dalawang araw lang nagtagal si Ruben sa itikan pero natakot na baka hindi na siya makauwi kaya tumakas.

Pebrero naman nang i-recruit ni Lito si alyas “Joel” kapalit ng malaking suweldo. Pero nang makita raw niya ang sitwasyon, hiniling niya agad na umuwi.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law at child abuse sina Lito at Bon.

“The fact na dinala nila doon [is already] human trafficking. Non-bailable ito… Dahil mga bata sila, hindi na kailangan ‘yung means na pipilitin sila o hindi,” ani QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar.

Paalala ng pulis sa magulang, maging maingat at maalaga sa anak para maiwasan ang mga ganitong pang-aabuso.

–Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

December – Month of Overseas Filipinos

“National treatment for migrant workers!”

 

Invoke Article 33 of the ILO constitution
against the military junta in Myanmar
to carry out the 2021 ILO Commission of Inquiry recommendations
against serious violations of Forced Labour and Freedom of Association protocols.

 

Accept National Unity Government
(NUG) of Myanmar.
Reject Military!

#WearMask #WashHands
#Distancing
#TakePicturesVideos

Time to support & empower survivors.
Time to spark a global conversation.
Time for #GenerationEquality to #orangetheworld!
Trade Union Solidarity Campaigns
Get Email from NTUC
Article Categories