Duterte walang kapangyarihang tapusin ang ‘endo’ — Palasyo

Published by rudy Date posted on April 2, 2018

by ABS-CBN News, Apr 02 2018

Walang kapangyarihan ang ehekutibong sangay ng gobyerno para tapusin ang kalakalan ng “endo” o “end of contract,” ayon mismo sa isang opisyal ng Palasyo.

Endo at contractualization ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho nang sa gayo’y hindi sila maging regular at magkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa.

Paliwanag ng Palasyo, hindi kakayanin ng executive order (EO) ng pangulo na wakasan nang tuluyan ang contractualization, kahit pa kabilang ito sa mga pangakong binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampanya pa lang siya sa pagka-presidente.

“You know that draft EO has been under in our office for quite some time. The main problem there is ‘yong mga gustong mangyari ay something the executive department is not empowered to do. Kailangan legislative action talaga. Because labor code yan, e. Nandoon ‘yong mga provisions against contractualization but allowing in some areas,” ani Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.

Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula noong Marso 15, ang petsang inaasahan ng iba’t ibang labor groups na tuluyang pipirmahan ni Duterte at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang panukalang EO laban sa contractualization na isinumite ng mga grupo ng manggagawa sa hiling na rin ng pangulo.

“So if you want something like a total ban on contractualization, you need a law to repeal or amend that particular provision of the labor code. An executive order is meant only to supplement or to give the implementing details of what the law provides. But it cannot add or subtract, or substantially alter what the law provides. That’s really more for Congress to do. So I hope you will understand the limitations of an executive order (Kakailanganin munang baguhin ang probisyon ng batas kung talagang nais na ipagbawal nang tuluyan ang contractualization),” ani Guevarra.

Bago nito, nanindigan pa ang Malacañang na hindi tinatalikuran ni Duterte ang pangakong tatapusin na ang endo.

Nasabi rin kamakailan ni Duterte na mahirap ibigay ang lahat ng kondisyon para sa mga manggagawa.

“I don’t think that I can really give them all kasi hindi naman natin mapilit ‘yung mga kapitalista na — kung walang pera o ayaw nila o tamad. Don’t make it hard for them to run the business the way they like it because that’s their money. So something of a compromise must be — may be acceptable to everybody,” sinabi ni Duterte.

Mistulang iniaatas na ngayon ng Palasyo at DOLE sa Kamara ang pagwawakas sa endo.

“It may even be better if our EO will be adopted by Congress to make it a legislation para batas na ‘yan,” ani Bello.

Noong Enero, lumusot sa Kamara ang security of tenure bill o ang panukalang batas na nagtatakda ng benepisyo para sa mga manggagawang matagal na sa parehong trabaho.

Pero ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, pinapayagan pa rin sa ilalim ng panukalang batas ang ilang uri ng contractualization.

“The seven Makabayan Bloc members rejected the bill because it still allowed in essence, some form of contractualization, contrary to the demands of the workers and unions,” pahayag ni Zarate.

Dismayado naman ang labor groups sa naging pahayag ng Palasyo.

Ayon sa Nagkaisa Labor Coalition, hindi total ban sa contractualization ang hinihingi sa pinakahuling draft EO na isinumite nila noong Pebrero sa Malacañang.

May probisyon ito para sa exemptions o ilang uri ng trabaho na maaari pa ring maging contractual, base sa konsultasyon sa DOLE chief.

“Ito ay isang pagtalikod sa naunang commitment ni Pangulong Duterte na i-ban ang contractualization sa bansa,” ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines.

“Sana huwag mag-astang ‘Poncio Pilato’ ang presidente o ang Malacañang sa usapin ng contractualization,” ani Bong Labog, chairman ng Kilusang Mayo Uno.

Plano ng grupo ng mga manggagawa na makipag-usap kay Duterte.

Tutulak din umano sila sa mga pagkilos sa Mayo Uno, araw ng paggawa, para tuparin ng pangulo ang pangakong tatapusin na ang contractualization.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Nov 25 – Dec 12: 18-Day Campaign
to End Violence Against Women

“End violence against women:
in the world of work and everywhere!”

 

Invoke Article 33 of the ILO constitution
against the military junta in Myanmar
to carry out the 2021 ILO Commission of Inquiry recommendations
against serious violations of Forced Labour and Freedom of Association protocols.

 

Accept National Unity Government
(NUG) of Myanmar.
Reject Military!

#WearMask #WashHands
#Distancing
#TakePicturesVideos

Time to support & empower survivors.
Time to spark a global conversation.
Time for #GenerationEquality to #orangetheworld!
Trade Union Solidarity Campaigns
Get Email from NTUC
Article Categories